Monday, March 2, 2009

Rebolusyonaryong Buwis Para sa Karahasan at Paghihirap




Sa mga nagdaang taon, ilang beses na rin tayong nakarinig ng mga balita tungkol sa pananabotahe, pananakot, pagmamaltrato at mga di makataong paraan ng paniningil ng rebulosyonaryong buwis ng New People’s Army. Marahil ay ilan na sa atin ang nakaramdam ng ngit-ngit at galit sa mga pagkakataong ang mga simpleng negosyante ay pinipiga ng mga rebelde upang magbayad ng buwis na hindi naman napupunta para sa kapakanan ng nakararami, bagkus, ay ginagamit lamang upang labanan ang gobyerno… rebolusyonaryong buwis – buwis na inilaan para sa karahasan.

Noong Enero 28, 2009, isang yunit ng bus na pag-aari ng Raymond Transportation Company ang sinunog ng diumanoy mga miyembro ng NPA sa Barangay Manguiring, Calabanga, Camarines Sur. Ang naturang pangyayari ay inako ng ng Bagong Hukbong Bayan James Balaquiao Command sa pamamagitan ng lider nitong si Maria Lorena Mendoza. Inamin ng grupo na ang dahilan sa karahasang ito ay ang hindi pagbabayad ng naturang kumpanya ng rebolusyonaryong buwis. Ayon sa ilang mga nakasaksi, walang nagawa ang mga biktima upang pigilan ang mga rebelde dahil sa takot na pati sila ay masaktan.

Ang ganitong gawain ay malinaw na taliwas sa sinasabing prinsipyo ng NPA na sila ay may tungkulin na tumulong sa bayan at nagsisilbing proteksyon ng masa, ng mga inaapi at inaabuso. Napag-alaman na simula pa 2005 ay napu-pwersa nang magbayad ang Raymond Transport sa mga rebelde ngunit ito ay dahil sa iba pang naunang insidente ng panununog ng yunit ng bus. Napilitan ang kumpanya na magbigay dahil sa takot na bumagsak nang tuluyan ang kanilang negosyo kung magpapatuloy ang ganitong mga pangyayari. Dahil dito, hindi ninuman masisisi ang may-ari ng kumpanya na magbayad sa mga rebelde. Sa isang banda, hindi malayong mangyari na dahil sa regular na pangingikil ng mga rebelde ay mapwersang magsara at maging dahilan upang mawalan ng trabaho ang ilan nating kababayan sa Bikol. Kailanman ay wala sa pag-iisip ng mga rebelde ang pamilya ng mga mawawalan ng trabaho.

Marahil ay maihahantulad ang mga NPA sa Abu Sayaff Group (ASG) dahil sa kagahaman sa pera na ginagamit lang nila para sa karahasan. Hindi naman parte ng militar, masasamang pulis o tiwaling pulitiko ang Raymond Transport ngunit ito ay walang kalaban-laban na pineperwisyo ng mga rebelde. Ang may-ari ng Raymond Bus Transportation ay walang pinagkaiba sa mga ordinaryong negosyante na nag-aalala din kung malalagpasan nila ang pinansyal na krisis na bumabalot sa buong mundo ngayon. Bukod sa kanilang mga pamilya ay umaasa din sa kumpanya ang pamilya ng mga trabahador nito. Sa mga pananabotaheng ginagawa ng NPA, sila ang pangunahing dahilan sa pagsasara ng mga kumpanya at sa nadadagdagan na bilang ng mga tiyan na kumakalam.

No comments: