Wednesday, March 25, 2009
DESPERASYON MAKIKITA SA MATA NI SENADOR LACSON
Maingay ang pangalan ngayon ni Senador Panfilo Lacson bunsod ng pagkakadawit sa kaniyang pangalan sa kilalang Dacer-Corbito murder case na dahan-dahang binubuhay ngayon sa korte. Ito ay nangyari matapos magbigay ng salaysay ang isang dating pulis na si Cezar Mancao na kilalang malapit sa senador at siya ngayong nagpapatunay na mismo ang senador ang nagbigay utos na dukutin at patayin ang kilalang media personality noong Nobyembre 24, 2000.
Dahil sa pagkalat ng tinatawag na affidavit ni Mancao sa media ay mababasa ngayon sa mga mata ni Ping ang desperasyon na linisin ang kaniyang pangalan at mapanatili itong mabango hanggang sa susunod na 2010 eleksyon. Ngunit, dahil na rin sa mga bulalas nito sa media ay unti-unti siyang nalulubog sa nasabing kaso. Una, nakapagtataka na hindi niya sinambulat agad sa publiko ang natuklasan niyang ginawang paghimok umano ng gobyerno kay Mancao na idawit nito ang senador sa kasong pagpatay kay Dacer-Corbito na ang kapalit lamang ay ang reinstatement at promotion ni Mancao. Napakliit na alok ito para kalabanin ang isang malaking taong tulad ni Lacson na kilalang matinik na pulis at senador. Hindi ba't mas magiging pabor sana sa senador kung siya ang naunang naglabas ng pasabog laban kay Gloria at hindi na siya naghintay pa na lumabas ang affidavit ni Mancao?
Pangalawa, bakit isang taon niyang tinago ang isang text message na diumano'y galing kay Mancao? Hindi ba't mas makakatulong sa paglilinis niya nang kaniyang pangalan kung sa umpisa pa lang ay napatunayan nang gawa-gawa lang ito ni Mancao? Hindi tuloy natin maiwasang mag-isip na talagang wala namang message na nangyari sa pagitan ng senador at ni Mancao. Mas makakatulong din kay Ping kung inilabas niya ito bilang isang matinding expose noong 2008 pa lamang gayung nasa kamay na pala niya ang diumano'y pruweba laban sa Malacanang. Pero paano mo nga naman ilalabas ang isang bagay na hindi mo pa din naman ito hawak?
Pero sa isang banda, mapupuri din natin si Lacson sa mga nangyayari ngayon sa kanilang buhay. Buong ningning kasi niya ngayong nagagampanan ang role ng isang biktima. Gustong-gusto kasi niyang kinakaawaan siya ng publiko at palabasin na siya ay ginagantihan ng kanyang mga kaaway sa pulitika kaugnay ng kaniyang pagtakbo sa 2010. Pero ang ganitong uri ng patutsada ay kilalang-kilala na ng publiko at bihasang-bihasa na ang mga pilipino sa ganitong uri ng pag-iwas sa isang isyu. Marami na tayong nababasa na ganyang uri ng palitan sa pagitan ng kung sino-sinong pulitiko sa ating bansa. Alam na natin kung sino ang dapat paniwalaan at kung sino ang mahusay magsinungaling.
Ngayon, mas mainam para sa senador na ibuhos ang oras nito sa paghahanap ng mga kakailanganin niyang ebidensya na makapagpapatunay na wala nga siyang kinalaman sa pagdukot at pagpatay kina Decer at Corbito. Nararapat lamang na ihinto muna niya ang paglabas sa media dahil mas pinaiigting lamang nito ang hinala ng mga tao na siya nga ay talagang sangkot sa nasabing krimen.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment