Monday, February 23, 2009
HUSTISYANG KOMUNISMO
Noong ika-16 ng Disyembre 2008, alas 9:45 ng gabi, isang kinse anyos na 3rd year high school student ng Barcelona National High School na si Ricky B. Roman ang pinagbabaril ng pitong ulit ng mga di kilalang lalaki sa Sorsogon City. Kasunod ng pangyayari ay nagpalabas ng opisyal na pahayag ang Celso Minguez Command ng NPA noong Enero 29, 2009 na umaamin sa kanilang pagpatay sa menor de edad na si Roman.
Ayon sa militar, si Roman ay miyembro ng New Peoples Army sa Bikol na siya din mismong kinumpirma ni Ka Samuel Guerero na nagpalabas ng naturang pahayag. Ayon dito, si Ricky ay pinaslang bilang parusa sa kaniyang pagiging diumano’y asset ng militar sa kontra-insurhensya ng huli. Ang anak ng tricycle driver na miyembro ng BAYAN MUNA ay pinagbintangan din ng mga rebelde na isang magnanakaw at agaw-cellphone sa lugar.
Malinaw ang balita. Si Ricky Roman na isang menor de edad ay naging miyembro ng NPA bago ito pinatay sa kamay ng kaniyang mga “kasama” dahil sa pagiging asset diumano ng mga militar. Malinaw na naging maikli ang buhay ng bata dahil sa pagpasok niya sa kilusan. Nakakalungkot na bunsod ng kaniyang pagbabagong isip ay kinitil ang kaniyang buhay. Di ba’t hindi ito makatwiran at nagpapakita lamang na may baluktot na sistema na umiiral? Malinaw na may paglabag sa batas dahil isang 15 anyos na lalaki ang ni-recruit ng mga rebelde upang humawak ng armas. Hindi ba’t kakadalaw lang ng isang representate ng United Nation sa bansa upang imbestigahan ang mga tinatawag na “child soldiers” ng mga NPA, MILF pati na din ng gobyerno? Kailan sila matututo na ang lugar ng kabataan ay hindi sa giyera kundi sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay at hindi baril ang kaniyang dapat tangan-tangan kundi lapis at papel?
Ang pagbintang ng NPA sa pagiging magnanakaw ni Ricky ay hindi rin maganda. Hindi ba nila iniisip ang pighati na dinudulot nila sa pamilya ng bata? Nangyari na ang nangyari..., naging NPA siya, kinuha diumano na asset ng militar at pinatay ng mga rebelde pero sukdulan na kung pati ang imahe ng kaniyang pamilya sa kaniyang pagkatao ay yuyurakan pa nila ng ilang ulit, pinatay na nga, siniraan pa ang kanyang dangal. Kahit kailan ay hindi na makapaglalahad si Ricky ng kanyang panig kung siya nga ay magnanakaw, dahil tuluyan na siyang pinatahimik ng mga rebelde.
Madaling magbintang, ngunit mahirap magpatunay ng mga ito. Madaling magsabi na siya ay asset ng militar o kaya siya ay isang rebelde, ngunit mahirap itong patunayan ninuman. Dahil sa bangayan na ginagawa nila pati walang kamuang-muang na mga kabataan ay nabibiktima at napapasama sa ilang dekadang away sa pagitan ng mga rebelde at gobyerno.
Dapat managot sa batas ang gumawa ng krimen – ito ay malinaw. Isang buhay ang kinitil. Militar man o rebelde ang gumawa ay malinaw na paglabag ito sa karapatang pantao lalo na isang menor de edad ang biktima ng kasamaan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment