Saturday, March 27, 2010
BUTAS NA PANGAKO NI NOYNOY
Kahit ano pang pagtatanggi ang gawin ni presidential candidate Noynoy Aquino patungkol sa bagong kapalpakan sa usaping reporma sa lupa partikular na sa Hacienda Luisita ay malinaw na wala talagang balak ipamahagi ng pamilya Cojuangco-Aquino ang libo-libong ektarya ng naturang hasyenda sa 10,000 magsasakang pina-asa nito. Salamat na lamang sa pinsan mismo ni Noynoy na si Fernando Cojuangco, chief operating officer ng korporasyon at nagising ang mga magsasaka sa isang mapait na reyalidad na sila pala ay nilinlang lamang ng unico hijo ni dating Pangulong Corazon Aquino. Isa rin ba ito sa mga aral ng magulang ni Noynoy na madalas niyang sambitin sa tuwing haharap sa kamera?
Nakakalungkot na hindi naging tapat si Noynoy sa mga magsasakang nagpa-unlad ng kanilang lupain sa matagal na panahon. Kung tutuusin ay dapat silang tumanaw ng malaking utang na loob sa mga abang magsasaka dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi mananatiling maunlad ang pamumuhay ng mga Cojuangco-Aquino.
Kung dati-rati ay marami ang natuwa sa ginawang pagdeklara ni Noynoy na balak na nitong ipamahagi ang lupain sa mga benepisyaryong magsasaka sa kasagsagan ng kampaniya, ngayon ay marami ang naiinis dahil malinaw na binola lamang ng senador ang mga tao para sa kanyang pangangampanya. Ito ay malinaw na isang political strategy lamang upang lumabas na mabango ang pangalan ni Noynoy at upang tuluyang tumigil ang multo ng Hacienda Luisita na patuloy na ibinabato sa kaniya.
Maski na ba maglabas ng pahayag ang pinsan ni Noynoy na si Fernando na siya ay biktima ng “taken out of context” ay hindi na nila mababawi ang matagal nang sira at suportado ng mga “factual” na impormasyon. Kung iisipin, ano ang mahihita ng New York Times partikular na ng sumulat ng artikulo na si Norimitsu Onishi, na siya rin namang nagpatunay na ang binitiwang pahayag ay totoo dahil ito ay naka-record sa paglabas ng maling istorya? Kung baga, galing mismo sa bibig ni Fernando ang pagkontra sa sinabi ni Noynoy na planong pagpapamahagi ng Hacienda Luisita.
Kung ngayon pa lamang na nakikita na natin ang kabaluktutan ng pananaw ni Noynoy patungkol sa ikakabuti ng mas nakakarami ay ano ang mahihita at aasahan ng milyon-milyong Pilipino na kaniyang pinapasakay sa slogan niyang “hindi ako magnanakaw”?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment