Monday, November 9, 2009

RIGODON SA KAMPO NI NOYNOY AT MAR INAABANGAN


Hindi pa pala plantsado ang lahat tulad ng inaakala ng nakakarami. Malakas ang ugong-ugong na ang kampo ni Senador Noynoy Aquino at Senador Mar Roxas ay humaharap ngayon sa isang malaking intriga patungkol sa aktwal na pagpapatupad ng kanilang plano na “Noynoy-Mar” tandem para sa dadating na eleksyon sa 2010. Ayon sa isang tagapagmasid sa kampo ng Liberal Party ay posibleng magkaroon ng isang rigodon at magkapalit ng pwesto sila Noynoy at Mar kung saan si Mr Palengke ay babalik bilang standard bearer ng LP at si Noynoy ay babagsak para maging kandidato ng partido sa pagkabise presidente, ito diumano ay mangyayari bago matapos ang kasalukuyang taon.

Ang pagdeklara kay Noynoy sa labanan ng pagkapangulo at ang pagtanggap naman ni Mar bilang ka-partner nito ay hindi nangangahulugan na sila ay opisyal nang mga kandidato. Ito ay isang plano pa lamang na maaaring mapalitan lalo pa’t hindi pa nakapaghain ang dalawa ng kanila-kanilang opisyal na candidacy sa COMELEC. Hindi diumano papayagan ng grupong tinatawag na “The Firm” na maging pangalawa lamang si Mar. Ang grupong “The Firm” ang siyang nasa likod ng kandidatura ni Mr Palengke at tumutulak dito upang tumakbo sa pagkapangulo.

Ito ang isa sa mga pinanghahawakan ng grupong “The Firm” kasama na ang umiinit na intriga sa pagitan ng mga ibat-ibang grupong maka-Noynoy na ating namang natuklasan na pare-parehas palang naghihinanakit dahil sa sobrang pagkiling ng unico iho ni dating Pangulong Cory sa kanyang mga kapatid at ibang miyembro ng kaniyang pamilya sa tuwing may gagawing hakbang o di kaya ay bubuuing mga plano para sa 2010. Dahil dito ay nakakaramdam ng pagiging “out of place” ang mga kilalang miyembro ng Hyatt 10, ilang LP members at iba pang civil society groups na masugid na ipinalutang ang “Noynoy for President” sa kasagsagan ng pagluluksa kay President Cory Aquino.

Ang ganitong klaseng pagtatampo o ang pakiramdam ng pagtraydor ay pwedeng mag-udyok sa mga grupong ito na tuluyang talikuran si Noynoy at iakyat ng muli si Mar Roxas bilang kanilang kandidato sa pagkapangulo. Hindi ba’t kung sa ngayon pa lamang ay hindi na nila lubusang nahahawakan sa leeg si Noynoy ay posibleng sila naman ang ilaglag nito sa panahong ito ay magtagumpay sa 2010 at siya namang ika-uunsyami ng kani-kanilang mga personal na plano?

Ang posibleng pagririgodon ni Senador Noynoy at Senador Mar Roxas ay isang kaabang-abang na kaganapan sa bakod ng Liberal Party na una nang nag-akalang may malaking bentahe dahil sa mistulang mainit na pagtanggap ng mga tao sa Noynoy-Mar tandem. Ngunit ang ningning ng kahit ano mang bagay o tao ay lilipas din kung siya ay napapalibutan ng mga tao o grupong sisira dito.

No comments: