Wednesday, November 25, 2009

HATI NA BA ANG BOTO MO? “Hala I-Patrol Mo”


Hindi mo minsan masikmura ang lantarang panloloko hindi lang ng mga kung sinu-sinong TRAPO, kundi na rin ng dapat sana’y malaya at mapanuring pamamahayag. Simula kasi nang mag-igting ang iringan sa mga sensitibong posisyon tulad ng pang-panguluhan sa darating ng 2010 election, halos nagpapang-abot narin ang kalokohan ng mga estasyon at gimik ng mga di magkahumayaw na pulitiko. Isa na nga riyan ang matunog na kampanyang “Boto Mo I-Patrol Mo” na aniya tumutulong na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga botante sa susunod na taon. Litanya nga ng mga ”patrollers” nito ang samut-saring kawalanghiyaan ng mga taong nailuklok sa gobyerno ngunit sa isang banda naman ay patuloy na pinagkakaperahan ng estasyon ang mga dapat sana’y banned ads ng mga “presidentiables”.

Premature campaigning o ang mahigpit na ipinagbabawal na “electioneering” ang bumubungad sa manunood ng estasyon tuwing pinalalabas nito ang mga papogi ads ng kung sinu-sinong pontso pilato. Nahahalintulad ito sa mga naglalakihang poster o banderitas ng mga opisyal sa nakakalat ngayon sa mga eskinita at makikipot na pader ng lungsod. Nakapagtataka lang, nagagawang pansinin ng estasyon ang mga nakahilerang mga “posters” na ito habang pinahihintulutan naman nilang mag ere ng mahigit sa 3 hanggang 5 minutong campaign ad ang mga “presidentiables”. Kung susumahin daan-daang milyung piso ang kinikita ng estasyon sa mga pagpapalabas ng mga political ads na ito. Kaya naman hindi mahirap sabihin na nagkukunwang maka-tao ang estasyon lalo na’t isinusulong nito ang dapat ay clean and fair elections”.

Pera-pera nga lang naman ang tahasang dahilan ng mga tila pangguguyong ito ng mga kilalang estasyon sa bansa. At ang masakit nito, may malaking bilang na din ng mga botante ang nauuto nila. Kasi naman, habang nagkukunwaring “watchdog” ang estasyon sali’t-salitan naman nilang pinagkakaperahan ang mga pulitikong pilit na nambabaluktot ng batas kontra sa maagang pamumulitika o electioneering. Mantakin mong may isang taon pa man bago ipahintulot ang pangangapanya, nagsisimula nang ibandera ng mga pulitiko ang kani-kanilang mga mukha sa tv gamit na din ng “bayarang” media.

Kung susumahin, panakip butas lang ng estasyon ang kampanya nitong “Boto Mo I-Patrol Mo” para naman hindi gaanong mapuna ang walang humpay nilang pangnenegosyo tuwing eleksiyon.

Ngunit maliban pa sa bulok na pangangatwiran ng estasyon sa kanilang malugod na pangangampanya ng kung sinu-sinong “presidentiable”, dahan-dahan ding hinihikayat ng estasyon na i-boycott ang eleksyion. Patunay diyan ang maya-mayang pagpapalabas ng estasyon ng anila “butas” ng darating na automated election. Minamakina ng estasyon ang publiko na maging negatibo sa eleksiyon na nag-uudyok naman upang paigtingin pa ng mga kandidato ang kanilang mga jingle ads na pinagkakwartahan naman ng estasyon.

Kaya naman, madaling sabihin na ginigisa ng kapitalistang estasyon ang mga botante at mga pulitiko sa kani-kanilang mantika.

No comments: