Monday, October 26, 2009

PAGLILINIS SA PANGALAN NI LACSON


Matapos niyang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman at ginawang pagdidiin sa kanyang dating boss na si dating Presidente Joseph “Erap” Estrada, hinaharap naman ngayon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang subpoena na inihain sa kanya ng Department of Justice (DOJ). Sa naturang kautusan ng DOJ, muling iimbestigahan ang Dacer-Corbito case. Inatasan ng departamento na humarap sa korte si Lacson upang magbigay ng kanyang counter-affidavit hinggil sa mga akusasyon ni Cesar Mancao pati na rin sa mga kasong isinampa ng pamilyang Dacer. Ngunit ang subpoena ay tila binastos ni Lacson dahil ito ay naghain ng isang petisyon (petition for certiorari and prohibition) sa Supreme Court upang ipatigil ang nasabing imbestigasyon ng DOJ.

May ikinakatakot ba si Lacson kaya pursigido siyang ipatigil ang imbestigasyon? May mga kulang pa ba sa lahat ng impormasyong kanyang isiniwalat sa mga privilege speeches na ginawa niya sa Senado ng mga nakaraang linggo? Hindi naman kaya may mga panibagong isyu na pasasabugin si Mr Expose matapos maabswelto sa kaso? Posible na pakana lamang ito ni Lacson dahil natatakot siya na malaman ang katotohanan na mayroon nga siyang kasalanan sa pagpatay kay Dacer at sa kanyang drayber.

Kahit na anung pagmamakakaawa at pagpupumilit ni Lacson na wala siyang kinalaman sa kaso, lalabas at lalabas pa rin ang tunay na katotohanan sa bandang huli. Kung wala talaga siyang nagawang kasalanan patungkol sa kaso, kinakailangan niyang harapin ang mga magiging iimbestigasyon upang mapatunayan ang lahat ng kanyang sinasabi. Hindi na niya kailangan gamitin pa ang “parliamentary immunity” na pinagkaloob sa kanya bilang isang mataas na opisyal ng gobyerno kung malinis talaga ang kanyang konsyensya.

Ang mga ginagawang hakbangin ni Lacson ay hindi nagkakalayo sa ideya ng mga New People’s Army (NPA) sa hindi naniniwala at rumirespeto sa batas ng Pilipinas. Ngunit kapag sila ay nagigipit o na-aagrabyado, ginagamit nila ang batas upang maisalba ang kanilang sarili. Imbes na taguan o talikuran ang hustisya, marapat na matapang na harapin ito.

Dapat pag-isipan ng husto ng Supreme Court ang kanilang magiging desisyon sa apila ni Lacson. Nakasalalay sa kanila ang mga susunod na mangyayari na siguradong makakaapekto hindi lamang sa paghahanap ng katarungan para kay Dacer at Corbito, pati na rin ang kinabukasan ng bansang Pilipinas sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng mga ibinubunyag ni Lacson.

1 comment:

santabanana said...

Ang paglilinis ng pangalan ni Senador Lacson ay isang mabusising proseso. Kaya naman nagwithdraw ito sa eleksyon na pngpanguluhan para full time niyang maasikaso na malinis ang pangalan niya.

Alam niyo ang kailangan niya lang gawin ay ang aminin kung sino nga ba talaga ang may sala. Yun lang naman eh. Kung may nag-utos man sa kaniya ay wag na siyang paliguy-ligoy pa. Magprovide na rin siya ng ebidensiya para mapatunayan.