Tuesday, October 13, 2009

MGA PASABOG NI PING HUDYAT NG MAS MALALIM NA PLANO



Sa unang tingin ay aakalain mo na ang mga rebelasyon ni Senador Ping Lacson noong nakaraang dalawang linggo ay pawang patungkol lamang sa kaniyang malalim na hidwaan kay dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa kanilang pagkakasangkot sa mas umiinit na kaso ng pagpatay kay Salvador “Bubby” Dacer at ang kaniyang driver na si Emmanuel Corbito. Ngunit, ang mga unti-unting nahuhukay na impormasyon na mismong si Ping ang nag-siwalat ay may makikitang isang nakakatakot na katotohanan pala.

Matatandaan na minsan nang napabalita ang planong pagpapatayo ng tinatawag na isang caretaker government o Transitional Revolutionary Government (TRG) na diumano’y pagbibidahan ng walang iba kung hindi ni Senador Panfilo Lacson na balak umupo sa ilalim nito bilang Prime Minister. Ayon sa balita, ang dokumento patungkol sa TRG ay ipinakalat pa mismo sa mga liderato ng AFP upang makuha ang kanilang suporta at upang ang mga inisyal na hakbang ay unti-unti nang masimulan.

Ang nasabing “proposal” ay tugon daw upang mabago ang sitwasyong political maging ang sanga-sangang problema sa korupsiyon ng bansa sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang semi-dictatorial at martial law rule sa ilalim ng isang council. Ayon sa plano, si dating Pangulong Corazon Aquino ang kukuning sanang Head of State ng military junta upang ito ay mabigyan ng mukha ng demokrasya, ngunit dahil na rin sa pagkamatay nito bunsod ng cancer ay bumalik ulit sa proseso ng paghahanap para sa isang personalidad na hahalina sa pwesto ni Cory ang mga tao sa likod ng TRG.

Dahil na rin sa mga kapansin-pansing galaw at sinambit ni Ping sa kaniyang privilege speeches ay masasabi nating hindi lang talaga paglilinis ng kaniyang pangalan patungkol sa Dacer case ang kaniyang pakay kung hindi ang pag-priprisinta ng kaniyang sarili bilang isang abang api at natatanging taga-pagtanggol ng bayan laban sa korapsyon. Dahil sa kaniyang artistahing mga patutsada ay maaari niyang maloko ang taong bayan na tanggapin ang kaniyang plano na maging Prime Minister ng bansa.

Bukod sa pagpapapogi sa media ay aktibo din si Ping Lacson sa pagbulong at pagpapakalat ng isang no-election scenario upang takutin ang mga tao at palabasin ang plano bilang isang pakana ng administrasyon ni Pangulong Arroyo. Ayon sa isang source ay tuwang-tuwa si Ping sa mga awayan sa ibat-ibang piling personalidad ng gobyerno dahil ito ay tumutugma para sa kaniyang mga plano.

Dahil dito ay pinapatunayan lamang ni Ping ang kasabihan na pwede talagang mag-anyong tupa ang isang lobo.

No comments: