Tuesday, May 26, 2009

NASAAN ANG HUSTISYA PAGKATAPOS NG 14 TAON?




Nasaan na ang matagal nang hinihintay na hustisya para sa 11 miyembro ng kilalang Kuratong Baleleng gang na pinaslang noon Mayo 18, 1995 sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City? Pagkaraan ng 14 na taon ay patuloy pa rin nakabinbin ang kaso sa Korte Suprema. Ang isa sa mga sinasabing direktang nag-utos ng pagpatay ay naging senador na ngunit tila ang mga kaluluwa ng 11 miyembro ay patuloy pa din nananaghoy para sa katarungan at hustisya.

Malinaw na ang nasabing pagpatay ay kongkretong halimbawa ng isang hindi makaturan na pagsupil sa mga kriminal. Ito rin ay malinaw na nagpapakita ng isang paglabag sa karapatang pantao. At dahil sa nabanggit na dalawang rason ay dapat maparusahan ang lahat ng nasasangkot sa nasabing kaso, maging sya pa man ay kilalang personahe sa ating bansa.

Hanggang kailan magiging mailap ang hustisya para sa mga pamilyang naiwan ng mga Kuratong Baleleng members? Hindi pa ba sapat ang apat na testigo tulad nila SPO4 Ed Delos Reyes, SPO4 Corazon Dela Cruz, P/INSP Ysmael Uy at Leonora Sorondra upang tuluyang tuldukan ang pighati ng mga naiwang pamilya ng mga napatay na Kuratong Baleleng members? Ano pa ang kinakailangan na mga ebidensya upang umusad nang tuluyan ang kaso at mahatulan ang mga sangkot? Nakakalungkot na ang pagtestigo ng apat na nabanggit na personalidad ay nauwi sa wala dahil sila ngayon ay mga kapwa umurong sa pagbibigay testimoniya dahil na rin sa mga pananakot, sa kanilang buhay.
Sa 2010, tatakbo sa pagkapresidente si Senador Panfilo Lacson. Kung sakaling siya ay manalo at maging pangulo ng Pilipinas ay mas magiging malabo pa ang hustisya para sa mga pinatay at lalong mabibinbin ang kaso sa Korte Suprema. Hindi ba’t dahil sa tinatawag na “time element” dahil sa nalalapit na 2010 election ay mas dapat bigyan ng atensiyon ngayon ng mga huwes ng Korte Suprema ang nasabing kaso at iresolba ito sa lalong madaling panahon?

Maski sila pa ang pinakamasamang mga kriminal sa ating bansa, ang mga napatay na Kuratong Baleleng members ay dapat binigyan ng pagkakataon na harapin ang kani-kanilang kaso sa korte at pagdusahan ang mga katumbas na kaparusahan sa mga ito. Ngunit sa isang iglap, ang kanilang karapatan ay nawala kasama ng pagkitil sa kanilang buhay.

Marami silang nabiktima sa mga krimen na kanilang ginawa laban sa kanilang mga kapwa Pinoy pero sila din ay naging biktima noong May 18, 1995 o labing apat na taon nang nakakalipas. Hanggang kailan sila hihingi ng hustisya?

No comments: