Tuesday, May 19, 2009
JUDGE LORREDO, DAPAT I-DISBAR
Siya ang nag-apruba ng warrant of arrest para kay Rodolfo “Jun” Lozada sa kasong perjury na sinampa ni Mike Defensor ngunit siya ngayon ang naghihimok sa mismong naghain ng kaso na makipag-areglo na lamang kay Jun at iurong ang sinabing kaso. Hindi ba’t nakakapagtaka ang biglang pagbaligtad ni Judge Jorge Emmanuel Lorredo ng Manila Metropolitan Trial Court? Hindi lamang nakakapagtaka ngunit ito ay isang nakakagimbal na balita lalo na ang kaniyang mga binitawang mga salita na hindi dapat marinig mula sa kahit kaninong hukom sa bansa.
Sa isang limang pahinang desisyon ni Judge Lorredo noong May 4, 2009 ay nasaksihan natin ang ilan sa mga pagkakamali ng nasabing judge. Imbes na isang legal na desisyon, ang mababasa ay nagmistulang isang sermon na may halong pruweba ng pagiging biased ng hukom. Sinabi ni Judge Lorredo na mas mainam para kay Mike Defensor na makipag-ayos na lamang kay Lozada dahil ito ay makakasira lamang sa kaniyang political career at kalusugan tulad ng nangyari sa unang ginoo na si Mike Arroyo. Hindi ba’t bilang hukom ay hindi dapat siya nagbibitiw ng kahit ano mang komento hinggil sa kasalukuyang kasong kaniyang hinahawakan? Ito ay upang maprotektahan ang kaniyang magiging judgement na inaasahan ng sambayan na mamaging patas at walang kinikilingan.
Bukod dito, ang kaniyang kontrobersyal na order ay nagmistulang isang pag-uudyok lamang sa kampo ng depensa dahil siya ay nagsambit na ang perjury case ay pwedeng maging daan upang ma-aresto at ipatawag ang mag-asawang Arroyo upang magbigay testimoniya hinggil sa kaso. Dahil kay Judge Lorredo ay nagkakagulo ngayon ang ilang grupo mula sa oposisyon dahil sa kagustuhan nilang maka-isa sa tinatawag na executive privilege. Hindi ba’t malinaw na pagkakamali ang kaniyang mga naging hakbang? Pati mga kapwa hukom at abogado ay napapa-iling sa ginawa ni Judge Lorredo.
Tulad ng paratang niya kay Mike Defensor, hindi kaya siya ay nabayaran na din upang magbigay siya ng isang order na malinaw na may kinikilingang grupo. Dahil dito, dapat siyang magbitiw at ibigay na lamang sa ibang hukom ang nasabing kaso.
Bukod sa paghingi ng tawad tulad ng una nang hiniling ng mga miyembro ng National Association of Lawyers for Justice and Peace ay dapat din kastiguhin ng Supreme Court, Integrated Bar of the Philippines o IBP at ng DOJ pati na ang mga kilalang lawyers’ group sa bansa tulad ng CODAL at NUPL ang kaduda-dudang payo ni Judge Lorredo dahil ito ay nagpapahiwatig lamang na ang perjury case laban kay Lozada ay nahusgahan na bago pa man ito ay opisyal na maisalang. Ang isang hukom ay dapat patas sa lahat ng kaso ngunit dahil sa kaniyang order noong May 4 ay napatunayan natin na galit si Judge Lorredo kay Mike Defensor upang ito ay kaniyang bastusin at apakan ang karapatan ni Defensor na maghain at ipaglaban ang kaniyang karapatan ayon sa kaniyang ninanais. Ito ba ang gusto nating hahawak at hahatol sa mga ligal na kaso natin?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment