Friday, January 29, 2010

NOYNOY PINATUNAYAN NA NAMAMANIPULA ANG SURVEYS


Mismong kampo na ni Senador Noynoy Aquino ang umamin na namamanipula nga ang resulta ng mga surveys na naglilipana ngayong papalapit na ang eleksyon. Marahil ang kanilang pahayag ay bunsod ng naulinigan natin mula sa isang mapagkakatiwalaang impormante na ang partido Liberal ay minsan na ngang nagbayad o mas kilala sa tawag na nag-commission ng isang survey firm upang magpalabas ng paborableng survey result patungkol sa kandidatura ng nasabing senador.

Dahil na rin sa kapusukan nito - ang pagbibitiw ng salita bago mag-isip – ay nahuli tuloy si Senador Noynoy na sila nga ay naglulunsad ng isang tinatawag na “mind conditioning” o ang pagkondisyon ng pananaw ng publiko sa pamamagitan ng pagbabayad sa ligal na raket tulad ng SWS o Pulse Asia. Napag-alaman na ang paglalabas ng survey - sa pamamagitan ng isang public relation firm na binayaran ng kampo ng Liberal Party - ay umiikot sa isang stratehiya kung saan ito ay makakapagpalabas ng isang paborableng senaryo na direktang ma-iimpluwensiyahan ang opinion o di kaya ang magiging desisyon ng mga botante sa padating na eleksyon.

Ang sinasabing stratehiya ay ang pagpapalabas ng isang survey patungkol sa performance ng kasalukuyang administrasyon na diumano’y may mababang grado bago ang paglabas ng survey na may paborableng resulta patungkol kay Senador Noynoy. Sa ganitong paraan ay na-diktahan na ng kampo Liberal ang taong bayan na si Noynoy lamang ang gusto ng publikong maging susunod na pangulo ng bansa at ang kandidatong sinusuportahan ng kasalukuyang administrasyon ay hindi makakapagdulot ng mabuti sa bayan. Hindi ba’t ilang beses na nating nasaksihan ang ganitong senaryo sa mga nagdaang lumabas na surveys kung kaya’t masasabi nating totoo nga ang nakuha nating impormasyon?

Sa ganitong paraan ay naibababa na ng LP ang posibilidad na makalikom ng sapat na boto ang karibal ng kanilang manok dahil nakondisyon na nila ang utak ng publiko na ang 90 milyong Pilipino ay pabor kay Noynoy. Hindi ba’t matatawag na isang pandaraya ang ganitong gawain dahil hindi naman repleksyon ng tunay na sitwasyon ang isang survey? Hindi ba’t mismong si dating Senador Franklin Drilon ang nagsabi na nababayaran nga ang surveys upang magbigay ng resulta na aayon sa tao o kampo na nagbayad dito? Ang nakakalungkot, marami sa ating kababayan ang talaga namang na-iimpluwensyahan ng ganitong mga palabas at nakiki-uso lamang sa pagboto ng susunod nilang lider ng bansa kung kaya’t talagang kaliwa’t-kanang surveys ang pinapalabas ngayon ng iba’t-ibang mga presidentiables. Kung sino ang may bentahe sa lumabas na survey ay paniguradong siya ang nagbayad ng survey. Ito ang masaklap na katotohonan sa ating bansa kung kaya’t marami ngayon sa ating mga kababayan ang humihingi na ipatigil ang ganitong mga gawain tuwing eleksyon dahil ito lamang ay pailalim na pagdidikta sa mga botante.

No comments: