Saturday, August 2, 2008

Ang Pangloloko ng MERALCO!



Sampung milyong piso para sa tangkang katiwalian… Mahigit walumpung milyong Pilipino, tinangka na namang lokohin ng harapan. Ang MERALCO, na ang hatid dapat ay serbisyo-publiko, ay isang ganid na kumpanya na handang manuhol kahit sa korte.

Ilang buwan pa lang ang nakalilipas nang magulantang ang publiko sa sinasabing iregularidad sa paraan ng paniningil ng Meralco sa mga mamayan, nagkaroon ng pagkakataong ilaan ang pamamahala nito sa Government Service Insurance System (GSIS) upang maprotektahan na rin ang publiko.

Ngunit sa pagnanais ng Meralco na hadlangan ang nakaambang pagkawala ng kontrol sa kumpanya, tinangka nitong suhulan si JUSTICE JOSE SABIO JR. ng Court of Appeals (CA), kasabwat ang isang personalidad na malapit sa Meralco, ng sampung milyong piso kapalit ang pagtalikod niya sa paghawak ng kaso. Bilang isang matapat ng kawani ng gobyerno, pinili ni Sabio na iparating ito sa nakatataas at sa mga mamamayan.

Napakalaking halaga ng P10M para pangsuhol. Ngunit para sa isang kumpanya na sinisingil sa mga kostumer ang kanilang “system loss,” ito ay napakaliit lamang. Ang tangkang panunuhol sa isang kawani ng gobyerno ay isang malinaw na halimbawa ng kurapsyon. Sa pangyayaring ito, hindi maitatatwa na ang Meralco ay isa sa mga kumpanyang kinukunsinte ang “graft and corruption” na matagal ng sakit ng ating bansa.

Sa kabila nang lahat, nasaan na ang mga miyembro ng Senado na nangunguna sa pag-iimbestiga ng mga katiwalian? Malamang hindi sila interesado sa pangyayaring ito dahil hindi ito makakatulong sa kanilang popularidad. Nasaan na ang mga aktibista at militante na handang magprotesta kapag may iragularidad? Malamang wala din silang ganang pakialaman ang isyu dahil hindi ito makakatulong sa pagpapabagsak ng gobyerno. At higit sa lahat, nasaan na ang oposisyon na laging sumisigaw ng “labanan ang kurapsyon!?” Malamang dahil sa malaki ang nahihita nila sa mga pribadong ahensya, ayaw na din nilang makialam sa isyu.

Tutukan ang katotohanan at huwag hayaang mawala ang mga seryosong isyu na tulad nito! Ang isang katulad ni Justice Sabio ay higit na may kredibilidad kumpara sa mga “Senate witnesses” na pinaniwalaan ng ilan sa atin. Ito na ang pagkakataon upang simulang puksain ang totoong uri ng kurapsyon dahil ito ay hindi kathang –isip o gawa-gawa lamang!

Papanagutin ang Meralco!

No comments: