Friday, June 12, 2009

MANCAO DAPAT PROTEKTAHAN



Dumating na sa bansa mula sa America si S/Supt Cezar Mancao II noong June 4. Tulad ng inaasahan, ang kaniyang pagdating ay binantayan ng mahigit kumulang 200 na alagad ng National Bureau of Investigation o NBI at sinubaybayan ng buong bansa dahil na rin sa matagal na pagkabinbin ng kaso sa korte at lalo na sa pagkakasangkot ng ilang mga kilalang personalidad sa pagpatay kina Salvador “Bubby” Dacer at ang kaniyang driver na si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Bagamat maraming taga-NBI ang nagbantay sa pagdating ni Mancao ay marami pa rin ang nag-aalala sa kalagayan ng nasabing potential state witness lalo na patungkol sa kasiguruhan ng kaniyang buhay. Hindi kasi natin maiaalis na marami sa ating mga kababayan ang mag-alangan at makapag-isip na posibleng ipapatay si Mancao dahil sa lalim ng kaniyang mga alam sa twin murder nila Dacer at Corbito. Kung ganito ang mangyayari ay paniguradong hindi na naman uusad ang kaso at bibilang na naman ng taon bago mabigyan ng hustisya ang pagpatay kina Dacer. At dahil dito ay dapat mas maging masigasig ang gobyerno na protektahan si Mancao upang maibigay na ang katahimikan sa mga naiwang pamilya ni Bubby at ni Emmanuel na matagal na din naman nagtitiis ng kanilang pighati sa karumaldumal na pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Bukod sa paninigurado sa seguridad ng buhay ni Mancao, dapat tamang institusyon lamang ang diretsong hahawak sa nasabing kaso upang ang isyu at ang kaso ay huwag maging isang malaking circus. Dapat paigtingin din ang panawagan na huwag pahintulutan na magamit si Mancao ng kung sino-sinong pulitiko na nagnanais lamang palawigin ang kani-kanilang mga pangalan para sa 2010. Ang kasong kaniyang kinasasangkutan ay hindi isang palabas ng moriones bagkus ay isang kriminal na kaso na dapat seryosohin ng lahat ng panig. Siya ay iniuwi dito sa Pilipinas upang magbigay linaw sa kaso at magbigay testimonya sa kaniyang nalalaman at hindi upang magamit para sa ano pa mang bagay.
Ang pagdating ni Mancao ay sapat na upang muling buhayin ang kaso sa korte. Hindi na kinakailangang hintayin pa ang napipintong pag-uwi ni Glenn Dumlao – na kasalukuyang dinidinig pa ang kasong extradition nito sa America at sinasabing may malalim na kaalaman sa pagpatay - upang tuluyan nang umusad ang double murder case na hinihain ng mga anak ni Dacer na sina Emily Dacer-Hungerson, Sabina Dacer-Reyes, Carina Lim-Dacer at Ambaro Dacer laban kay Panfilo Lacson na siyang hepe ng dating PAOCTF nang naganap ang pagpatay sa dalawang sibilyan.
Malaki ang papel na ginagampanan ngayon ni dating S/Supt Cezar Mancao II sa pagbibigay linaw sa kaso at upang patunayan na ang hustisya sa bansa, bagamat kung minsan ay matagal makamtam, ay patuloy pa rin umiiral at naniningil sa mga taong nagkakautang dito.