Sunday, September 27, 2009

KORINA BINUKO NA NAPWERSA LAMANG SI SENATOR MAR ROXAS


Dahil sa emosyonal na pag-iyak ni Korina Sanchez noong Setyembre 1, 2009 sa Club Filipino in Greenhills sa San Juan habang ang kaniyang katipan na si Senador Mar Roxas ay nagdedeklara ng pag-urong ng kaniyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2010 ay napatunayan ng marami na ang nasabing kontrobersyal na “withdrawal” ay hindi talaga bukal sa loob ni Mr Palengke bagkus siya ay napwersa lamang na gawin ito.

Mali ang inaakala ng nakakarami sa ating masang mga kababayan na ang mga luhang iniiyak ni Korina noong araw na iyon ay dahil nawala sa kaniya ang pagkakataong maging unang ginang ng bansa sa panahong naging mapalad sana si Mar sa eleksyon. Kung susuriin, si Korina Sanchez ay isang kilala at tanyag na personalidad na at inirerespeto ng mga tao sa kaniyang napiling larangan kung kaya’t hindi siya desperadong makamit ang titulo bilang “first lady” ng bansa. Sa totoo lang, ang mga luha ay bunsod ng isang sikreto na pinakakaingatang huwag mabunyag sa publiko.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, ang kawawang si Mr Palengke ay kinuyug lamang ng kaniyang mga kapartido upang umatras sa laban at magbigay daan sa biglaang pagkandidato ni Noynoy sa 2010. Bukod sa pagkuyug ng kaniyang mga kasamahan sa partido, napag-alaman din na ang pag-atras ni Mar sa 2010 ay isa sa mga binigay na kondisyones ng tinatawag na civil society groups upang sila may patuloy na sumuporta kay Noynoy at sa kaniyang magiging laban sa dadating na eleksyon.

Alam ng tao na marami ng dugo, pawis, luha at pera ang ginugol ni Senador Mar Roxas - sampu ng kaniyang pamilya at mga taga-suporta - upang siya ay makalibot sa buong bansa dahil sa kagustuhan niyang ipakilala ang kaniya sarili sa ating mga ilang milyong kababayan sa ibat-ibang parte ng bansa. Bago pa nagdeklara ang ibang presidentiables ay malinaw na malinaw na sa lahat ang gustong tahakin na landas ni Mr Palengke. Ngunit dahil sa biglang pagsulpot ni Noynoy sa listahan ng mga presidentiables ay nauwi sa wala ang mga naging puhunan ng kawawang senador.

Ngayon, bukod sa paghanga sa kaniyang ginawang pagpaparaya ay dapat kaawaan din ang katipan ni Korina Sanchez dahil siya ay malinaw na napagkaisahan ng kaniyang mga kapartido at ng mga grupong malalakas sa ating lipunan sa ngayon.

No comments: